Mass Murder

July 15, 2008

Nakakainis na nakakaawa na nakaka-guilty na nakakalahat.

Napanood ko na naman kahapon yung Kalam, documentary ng GMA tungkol sa krisis sa bigas. Yung unang part talagang nakakaawa. Hindi ko malimutan yung sagot nung isang nanay nang tanungin siya kung paano niya pinapaliwanag sa mga anak niya yung kalagayan nila. Ang sagot niya, "Wala. Iiyak na lang." Ganun na lang. Parang sa kanila, luha na lamang yung pinantatawid nila sa kanilang gutom. Meron din palang isa pang pamilya na nagtitiis na lang sa pagkaing panis para lang may makain. Sabi nila basta di sila malason.

Mahirap naman kasi talaga. Sobrang mahal ng bigas. Buong mundo yung rice shortage. Kahit dito sa Tate, yung dati naming nabibili ng mga 13 dollars ngayon mga 25 na. Tayo pa naman ang hirap tanggalin ng kanin sa everyday meal natin. Kaya nga naaawa talaga ako riyan sa mga nasa atin. Ang hahaba ng pila sa mga bilihan ng NFA rice. Lahat nagtitiyaga para lang makabili ng kahit papaano ay murang bigas. Yung commercial na bigas kasi, ang layo ng presyo. Sa Mindanao, umabot na sa 50 pesos per kilo. Meron pa ngang isang lugar dun kung saan umabot ng 110 pesos. Sino pa ang bibili nun? Di nakapagtataka na marami ang umaasa na lang sa mga relief operations para lang makakain ulit ng kanin. Kaya ako, talagang sinusulit ko yung bawat butil ng kanin. Sana kayo rin.

Tapos sumabay pa pala yung pagtaas ng pamasahe. Nung first time kong mamasahe mahigit 10 years ago, 2.50 pesos pa lang yung minimum. Ngayon, 8.50 na and di pa kuntento run yung mga drivers. Hirap nga naman talaga silang kumita. Meron ngang ilang namamasada ng jeep na halos buong araw na kung mamasada. Ang di ko maintindihan ay yung tungkol sa pagkuha nila ng fare matrix. Pagkuha lang ng tarima, bakit may processing fee na agad na 520 pesos? Di pa man nga sila nagsisimulang maningil ng bagong minimum eh kinaltasan na nga sila agad. Sa nangyayari ngayon, di malayong magbalik lahat ulit tayo sa pagsakay ng bisikleta. O kaya maglalakad na ulit tayo ng malayo. Exercise din yun.

Tumataas na talaga ang halaga ng lahat ng bagay. Hirap mabuhay. Unti-unti na tayong pinapatay, tayong mahihirap. Minsan nga napapaisip ako kung di kaya ito isang paraan ng mga makapangyarihan upang masolusyunan ang paglobo ng populasyon. Maganda rin naman yung ganung hangarin kung totoo man. Ang masama lang ay tayong mga mahihirap ang labis na naaapektuhan. Tayo lang.

0 Comments: