August 22, 2008
Sabi nila walang panalo sa giyera. Pero kung ako ang masusunod, gusto ko sanang magdeklara na ng all-out war laban sa mga MILF. Short-term pain pero long-term gain.
Ang hirap din naman kasi nilang intindihin. Gusto nilang sila ang masunod. Pero hindi yun tama. Kung tutuusin ay wala silang karapatang magdemand dahil wala naman talaga sila sa lugar. Hindi sila bahagi ng Hukbong Sandatahan pero armado sila ng matataas na kalibre ng armas. Terorista. Kinukuha nila ang gusto nila sa pamamagitan ng dahas.
Kamakailan lang, sumalakay ng walang awa yung isang faction ng kanilang grupo sa North Cotabato. Ngayon, tinutugis na ng militar yung grupo ni Kumander Bravo at Umbra Kato na siyang sinasabing nanalakay. Sabi ng pamunuan ng MILF, walang basbas nila yung ginawa sa North Cotabato pero ayaw naman nilang isuko yung mga may kasalanan.
Ngayon, pansamantalang nahinto ang negosasyon para sa MOA (memorandum of agreement). Tapos gusto na ring idagdag ng gobyerno ang disarmament bilang bahagi ng kasunduan. Di naman pabor ang MILF sa nais ng gobyerno. Ako sa tingin ko, talagang dapat na maisama ang pagdisarma kung magkakaroon man ng kasunduan sa pagitan ng mga rebelde at ng gobyerno. Kasi kahit na may ceasefire o anumang kasunduan para sa kapayapaan, mananatili pa rin silang threat sa national security hangga't may pinanghahawakan silang mga armas. Kung pwede nga lang eh buwagin na lang ng todo yung grupo.
Habang tumatagal, lalong lumalabo yung tyansa na magkakaroon ng kasunduan sa pagitan ng dalawang panig. ALL-OUT WAR na lang talaga siguro. Sa bagay, nasasabi ko lang naman ito dahil di ako nakatira roon sa Mindanao. Hindi ako kasama dun sa mahigit isandaang libong pamilya na apektado ng bakbakan. Hindi ako kasama sa kanila na palipat-lipat ng tinutuluyan para lang muling masikatan ng araw kinabukasan. Sana talaga ay maayos na ang lahat ng ito. Sana nga ay maghari na ang kapayapaan na wala ng papatak pang dugo.
0 Comments:
Post a Comment