May 23, 2009
“Uy ‘di ako homosexual a! Yung boyfriend ko yung bakla, ‘di ako!”
Hindi ko alam kung maiinis ako o matatawa sa narinig ko. Siguro dapat akong matawa dahil usapang bakla din naman ang kapupuntahan nito, pero mas pinili kong magisip-isip na lang. Sa panahon natin ngayon, nakakalungkot isipin na marami pa ring maling konseptong umiiral sa lipunan natin.
Sa Pilipinas, sinasabing maraming mga bakla. ‘Di man daw sila nanganganak, patuloy pa rin ang pagdami nila. Sa telebisyon, sa mga pelikula, sa parlor, sa palengke, sa school. Kahit saan ka lumingon, imposibleng ‘di ka makakita ng bakla. Sa isang bansang binansagang konserbatibo at relihiyoso, kataka-takang marami na ang nagsisipaglantaran at sumasali sa animo’y pederasyon ng makabagong sexualidad sa katauhan ng kabaklaan. Pero kahit na parami ng parami ang mga bakla, parang ‘di pa rin nagbabago ang pagkakakilanlan sa kanila: nakakatuwa, artistic, mahilig magpaganda, pa-girl. Sa gitna ng mga simple at minsa’y kakatwang pagkakakilanlan sa mga bakla, talaga bang kilala natin sila?
Ano nga ba ang isang bakla? Mahirap ipaliwanag. Ang salitang bakla mismo ay may masalimuot na kasaysayan. Ayon kay Oriondo, ito daw ay nanggaling sa salitang bakli na nangangahulugang bali o baluktot na nagpapakita ng negatibong kahulugan ng pagkakaroon ng abnormal na pagkilos bagay na hinahalintulad sa mga bakla dahil sila ay kilos babae, sa halip na pangatawanan ang kanilang pagkalalake. Ayon naman kay Neil Garcia, ang salitang bakla daw ay nagmula sa salitang bayog na pangalan ng isang uri ng kawayan. Noong unang panahon daw, sinasabing tinatawag na bayoguin ang mga lalakeng kilos babae dahil sa pagiging malambot nila. Kalaunan ay nagevolve daw ang salitang ito at naging bakla. Kahit na iba-iba ang sinasabing pinagmulan ng salita, makikita na malaki ang koneksyong ng kabaklaan at pagkilos ng parang babae o effeminacy. Ayon pa sa Journal of Social Psychology, ang paggamit daw sa salitang bakla ay ang pagtukoy sa effeminate homosexuals at kailangang may kinalaman ito sa pagkilos ng parang babae para ang salitang ito ay magamit. Dito, makikitang may malaking pagkakaiba sa pagitan ng homosexuality at kabaklaan. Sa isang pagaaral na ginawa ni Hart, sinabi rin niya na ang bakla ay isang local marker lang at hindi synonym ng mga salitang homosexuality, transvestism, at hermaphrodism. Sa kabilang banda, ang homosexuality ay nangangahulugang pagkakaroon ng sexual attraction sa isang taong kapareho ng kasarian o sex, effeminate man o hindi. Kung susumahin, maraming mga pag-aaral ang nagsasabi na ang paggamit daw natin sa salitang bakla ay base sa kung ang taong tinutukoy ay kilos babae at may sexual attraction sa kapwa lalake. Kung tatanggapin ang ganitong ideya, masasabi ko na katanggap-tanggap ang sinabi ni Garcia na “… all bakla are homosexual[s], but not all homosexual[s] are bakla”.
Marahil sa Pilipinas ay marami ngang bakla. Pero gaano kaya kadami ang mga lalaking homosexual? Kung iisipin, ‘di kataka-takang makakita ng isang lalaking homosexual na brusko at machong-macho. ‘Di rin kataka-taka kung marami ang magulat kung malaman nilang homosexual siya. ‘Yun nga lang, kung magkataon ay tatawagin siyang bakla at yayayaing magladlad. Magladlad? Homosexual nga ang taong ito, pero hindi nangangahulugang bakla siya. Gayunpaman, unti-unti nang nagagamit ang salitang bakla sa pagtukoy sa mga homosexual. Hindi dahil magkatulad sila ng kahulugan kundi dahil walang direct translation ang salitang homosexuality sa Filipino, ‘di gaya ng salitang bakla na maaaring itranslate sa Ingles bilang effeminate homosexual. Marahil ang problema ng pagkakalito sa pagitan ng kahulugan ng homosexuality at kabaklaan ay dahil lamang sa pagkakaiba ng wika, particular na sa kakulangan ng lexicon o salita na kasintulad ng kahulugan ang mga salita sa ibang wika.
Ang problema pa sa ating mga Pilipino, kapag may nakita tayong bakla o homosexual, iniisip natin kaagad na ang baklang ito ay isa lamang babaeng nakakulong sa katawan ng isang lalake; isang lalaking gustong maging babae. ‘Di natin nauunawaan na sadyang may mga tao lang talaga na nagkakagusto sa mga kapwa nila lalake. Hindi dahil sa tingin nila ay babae sila, kundi dahil sa yun ang nararamdaman nila bilang lalake. Minsan nga ay may nakita kaming gay couple ng kaibigan ko. Bigla niyang tinanong sa akin, “Sino sa tingin mo sa kanila ang lalake?”. Hindi ba’t pareho naman silang lalake? Pero hindi ko rin siya masisisi. Sa lipunang gaya ng Pilipinas, bata pa lang tayo ay alam na natin na ang mga lalake ay para sa mga babae lamang, at vice versa. Marahil ito ang dahilan kung bakit kapag may gay couples tayong nakikita ay inihahalintulad natin sila agad sa isang heterosexual couple; na ang isa sa ay lalake at ang isa ay babae, gayong pareho naman silang lalake.
‘Di ko tuloy alam kung kinailangan kong sagutin ang mga tanong sa isip ko. Bakla ba ang kaharap ko o hindi? Siguro homosexual lang? O pareho? Kung magpapakateknikal ako at ibabase ang sasabihin ko sa tunay na kahulugan ng kabaklaan, siguro ay masasagot ko siya. Pero sa ngayon, kontento na akong mahirapan sa kakapaliwanag sa kanya ng tunay na kahulugan ng sinasabi niya. Kung sabagay, pinakamahirap ipaliwanag ang mga bagay na laging nakakasalamuha ngunit hindi pinapansin at naiintindihan.
Garcia, J. (1996). Philippine Gay Culture: The Last 30 Years. Philippines: University of the Philippines Press.
Garcia, J. (2004). Male Homosexuality in the Philippines: a Short History. IASS Newsletter,35, 13.
Hart, D.V. (1965). Homosexuality and Transvestism in the Philippines: The Cebuan Filipino Bayot and Lakin-on.
Oriondo, S. Isang Paglilinaw sa Salitang “Bakla” at Wikang Berbal ng mga Maricona na Resulta ng Kanilang Pakikipagsapalaran na Naging Bahagi ng Pag-unlad ng Wikang Filipino. Philippines, DC: Author.
Schrest, L. and Flores, L. (1969). Homosexuality in the Philippines and the United States: The Handwriting on the Wall. The Journal of Social Psychology, 9.
Photo from thebaklareview.blogspot.com/
1 Comment:
gusto ko ang aticle na ito, sana ganito ang style ng pagsusulat mo sa iba pang articles. Marami akong natutunan at naunawaan tungkol sa bakla at homo.
Post a Comment