May L-Carnitine? E ano ngayon?

May 23, 2009




Nagulat ako nang makitang may bagong commercial na naman sa TV ang isang sikat na produktong nagcclaim dw na nakakapayat ito dahil may laman itong L-Carnitine. Pagmamayabang pa sa commercial, nakakaburn daw ito ng taba. Burn? Ano yun, apoy? 'Di ko lubos maisip na parami ng parami na ang naniniwala sa ganitong klaseng kalokohan. Oo, isa itong malaking KALOKOHAN.

Una sa lahat, ano ba talaga ang L-Carnitine at masyado siyang nabibida ng mga kapitalista bilang isang kimikal na mabisa DAW sa pagpapapayat? Sa totoo lang, mukhang may pinagbasehan naman ang kanilang mga claims kung pagaaralan natin scientifically. Ang L-Carnitine kasi ay isang kimikal na natural na makikita sa katawan at importante sa pagmemetabolize ng fat o paggamit ng taba para makaproduce ng energy. Kung gayon, sapat ba ito bilang patunay na totoo ang claims sa mga commercials? Narito ang iilan sa mga totoong bagay na itinatago ng mga kapitalista sa publiko...

1. It does not burn fat

Totoong tumutulong ito sa pagburn o pagmetabolize ng fat, pero 'di ibig sabihin na pag nagconsume ka ng kimikal na ito e magbuburn ka na ng fat. Note na ang L-carnitine ay naturally produced by the body. So kahit walang L-Carnitine coming from the diet, ok lang dahil magpoproduce pa rin nito ang katawan natin. Yun nga lang, kung may problema ang katawan mo at 'di ka makaproduce ng required amount ng L-Carnitine, kakailanganin mo ng supplement. Pero kailangan dapat itong supervised ng isang doktor.

Isa pa, nagtatransport lang ang L-Carnitine ng long chain fatty acids papunta sa mitochondria para ma"burn". Kailangan iconsider natin ang katotohanan na may mga ibang klase ng fatty acids na 'di na kailangan ng L-Carnitine at dumidiretso na sa mitochondria para mametabolize.

2. May mga studies na nagdidisqualify sa mga claims ng mga produktong may L-Carnitine

Iilan sa mga studies na ito ay ang ginawa ng mga sumusunod:
Decombaz et. al. (1993),
Otto et al. (1987)
Fink et al. (1994)
Gorostiaga and colleagues (1989)

Kung papanoorin ang mga commerical sa Pilipinas, mapapansing sinasabi ng mga ito na clinically proven daw ang kanilang mga produkto na nakakapayat. Gayunpaman, kung susuriing mabuti, mapapansin din na may mga nakasulat sa mga commercial at nutrition labels ng mga produkto na may small font ang nagsasabing "with proper diet and exercise". Sa ginawa kasing study na sponsored ng kumpanyang nagbebenta ng produktong may L-Carnitine, lahat ng mga partisipantes ng nasabing study ay subjected to proper diet and exercise. E ano ngayon kung pumayat nga sila? Pano nila naconclude na ang pagpayat nila ay dahil sa L-Carnitine? Hindi ba't kung magpproper diet and exercise ka e talaga namang papayat ka? Kailangan i criticize ng bonggang-bongga ang study na iyon dahil parang taliwas ito sa conclusion ng ibang mga studies. Isa pa, napakaillogical sabihin na dahil may fatty acid transporter ang kinakain mo e papayat ka na.

3. Medyo mataas ang calorie content ng mga produktong may L-Carnitine

Kung ang isang produktong nagcclaim ng pagpapapayat ay mataas na calorie content, maniniwala ka bang nakakapayat talaga ito? Ok, fine...'di gaanong mataas ang calorie content niya, pero kung iaanalyze mabuti ang nutrient content ng produkto, medyo nakakakunot ng noo. Bakit? Dahil mataas ang carbohydrate content ng produkto...

Ang 1 gram ng carbohydrate ay nagyiyield ng 4(kilo)calories. Ang bulk ng calories ng produkto ay galing sa carbs. Anong implikasyon nun? Ang primary energy source kasi ng katawan ay carbs, kasunod ng fat, at huli ang protein. Hangga't may available supply ng carbohydrates (as long as normal ka at 'di ka diabetic o may komplikasyon sa carb metabolism), carbs ang unang gagamiting nga katawan mo. So anong use ng L-carnitine sa carbohydrate metabolism? Wala. As in malaking WALA. Isa pa, kung magcoconsume ka lang lagi ng ganitong klaseng produkto (w/o the aid of proper diet and exercise) chances are, tataba ka pa lalo (o magkakadiabetes) dahil sa high carb content nito.


Kahit na marami na ang nagsasabing hindi totoo ang claims ng mga produktong may L-Carnitine, bakit nga ba parami-parin ng parami ang tumatangkilik sa ganitong produkto? Una sa lahat, mahilig tayong mga Pinoy sa instant. Lahat gusto natin madalian dahil sa panahon natin ngayon, sobrang halaga ng oras. Kaya mas nanaisin pa nating maniwala sa mga kasinungalingang magdudulot daw sa atin ng pagpapapayat kesa mag proper diet at mag exercise. Isa pa, parami din ng parami ang mga nagiging sexyng endorsers ng mga ganitong klaseng produktokaya agad tayong napapaniwala. Bakit? Ang produktong ineendorse ba nila ang dahilan ng pagiging sexy nila? I don't think so...And speaking of endorsers, andyan din ang mga endorsers na pangkaraniwang tao na nagbibigay daw ng testimonials about the effectiveness ng nasabing produkto. Madalas sila ay iyong mga matataba dati na ngayon ay slim na dahil daw sa pagconsume ng nasabing produkto. Mapapansing sa lahat ng mga testimonials, lahat ay dumanas ng proper diet at exercise. Paano nila nasabing ang pagpayat nila ay dahil sa kanilang produkto at hindi sa kanilang sariling efforts? Maaaring sabihin na nakatulong ito ng malaki sa diet at exercise, pero anong basis nun? Kahit nga ang mismong clinical study ng nasabing produkto ay walang control group. So paano naprove na nakatulong ito sa pagpapapayat? Nasa atin naman ang efforts kung gusto talaga nating pumayat, at 'di na natin kailangan ng kung ano-ano pang produkto na maaari pang makasama sa atin in the future (kung makakasama nga).

Kahit ano nga naman gagawin ng mga kapitalista, makabenta lang ng produkto. 'Di ako gaanong galit sa kapitalismo, pero naiinis lang ako sa mga pinagagagawa nila para lang kumita. Parang pinaglalaruan nila ang kamalayan ng mga tao. Maaaring may bahid ng katotohanan sa mga pinagsasasabi nila, pero masyado naman ata nilang ineextend ang katotohanan. Pero, ganun nga ba talaga tayo kabobo para agad maniwala sa mga ganitong klaseng strategy?

Kho's Anatomy

Minsan, may pinabiling DVD sa akin si kuya. Dahil sobrang luma na ng pelikulang pinapahanap niya, kinailangan ko pang pumunta sa pinakamalakig mall sa Pilipinas para maghanap. Sinuyod ko ang buong mall pero 'di ko pa rin nakita. Puro out of stack ang sinasagot sa akin ng mga sales lady. Isang dvd shop na lang ang 'di ko napupuntahan. Kahit pagod na pagod na ako sa kakalakad, dali-dali akong tumakbo papasok sa shop para naman matapos na ang paghihirap ko.

"Meron po ba-"

'Di pa ako tapos sa pagtatanong, agad nang umalis sa harap ko ang sales lady. Siguro 'di niya ako narinig, pero parang nagmamadali siya. Noon ko lang narealize na lahat ng sales man at sales lady sa shop ay nagkumpol-kumpol na parang excited at tuwang-tuwa.

"Yan na ba 'yun?"

"Oo, ito nga!"

"Asan? Patingin naman ako!"

Umalingawngaw ang mga tanong sa loob ng shop pero wala pa ring pakialam ang mga tao. Napakaraming customer na gaya ko ang naghihintay ng serbisyo, pero parang nasa ibang mundo ang mga sales lady. Ultimo ang manager nung shop ay nakangiti pa at nakikiusyoso sa mga co-workers niya. Ano bang meron? Doon ko nakita sa gitna nilang lahat ang isang sales man na may hawak na cellphone. Parang may piniplay siyang video at magkahalong gulat at excitement ang makikita sa mga mukha ng mga nakapalibot sa kanya.


'Di ko na kinailangan ng isang segundo para maintindihan kung ano ang pinagkakaguluhan nila. 'Di ko pa naririnig ang pangalang Hayden Kho ay alam ko nang sex video niya ang pinagkakaguluhan. Nainis na lang ako at nagwalk-out. Wala na kong pakialam kung wala akong pasalubong na DVD sa kuya ko.

Nakakainis isipin na sobrang sikat na ng mga sex videos sa Pilipinas. Sabi nga nila, kung may copyright lang ang mga ito e siguradong mayaman na ang mga tao sa likod ng mga ganitong klaseng videos. Kahit sino ay may alam na tungkol sa pinakasikat na sex video ng taon. Kung publicity lang ang paguusapan, umaapaw na ang natanggap ng doctor-turned-celebrity na si Dr. Hayden Kho dahil sa sex video niya...o sabihin na nating dahil sa MGA sex videoS niya. Nakakatuwa ring dahil sa issueng ito ay halos 'di gaanong nagkaroon ng impact ang balitang may kaso na ng A(H1N1) virus sa Pilipinas. Ilang gabi na ngang laging may headlines tungkol kay Hayden Kho. Sino nga ba namang hindi maeeskandalo sa ginawa ni Kho? Hindi lang ang career niya at ng isang sexy actress ang pinahamak niya, patin na rin ng iba pang MGA babaeng sangkot sa MGA sex videoS niya. Wala na siyang maitatago sa publiko (literally).

Masisisi ba natin si Kho? Sa tingin ko, wala namang masama sa ginawa niyang pagvideo sa kaniyang "private moments" with his girlS, lalo pa kung may consent siya ng mga ito. 'Yun nga lang, bakit kailangan pang ikalat ang mga ito? Bilang isang doctor at isang celebrity, dapat sana ay naging maingat siya sa kanyang mga ikinilos. Lalo pa't hindi lamang iisa ang ginawa niya at alam ng publiko na may girlfriend siya na hindi niya kasama sa mga nasabing videos. Exhibitionist man siya o nymphomaniac,'Di ba't dapat ay nadiagnose na niya ang sarili niya dahil doktor siya? Kahit cosmetic surgery ang specialization niya, nagstay siya sa isang med school for at least 4 years. Does that disqualify him from being a credible medical practitioner?

Ngayong nanganganib ang lisensya ni Kho bilang isang doctor, may future pa ba siya? Sa palagay ko, meron pa naman. 'Di ako naaawa sa kanya dahil sa kahihiyang dinaranas niya ngayon dahil kagagawan din naman niya 'yun, pero sa pagkakakilanlan ko sa mga Pilipino, 'di rin magtatagal at lilipas din ang balitang yan. Siguro ay over-sensationalized pa ngayon dahil bago-bago pa lang pero kalaunan siguro ay 'di na 'to magiging malaking issue. Ang problema nga lang, maraming videos si Kho. Kung totoo ito, at unti-unti ang gagawing pagrerelease ng mga ito, marahil matatagalan ang publicity ni Kho. Gayunpaman, may ginagawa naman daw na effort si Kho. Balita ko nga ay nagpapatherapy pa daw siya para makarecover.

Buti pa ang mga videos ni Kho, madaling mahanap... Pero yung DVD na hinahanap ko, matatagalan pa ata bago ko makita.

Bakla ka ba?


“Uy ‘di ako homosexual a! Yung boyfriend ko yung bakla, ‘di ako!”

Hindi ko alam kung maiinis ako o matatawa sa narinig ko. Siguro dapat akong matawa dahil usapang bakla din naman ang kapupuntahan nito, pero mas pinili kong magisip-isip na lang. Sa panahon natin ngayon, nakakalungkot isipin na marami pa ring maling konseptong umiiral sa lipunan natin.

Sa Pilipinas, sinasabing maraming mga bakla. ‘Di man daw sila nanganganak, patuloy pa rin ang pagdami nila. Sa telebisyon, sa mga pelikula, sa parlor, sa palengke, sa school. Kahit saan ka lumingon, imposibleng ‘di ka makakita ng bakla. Sa isang bansang binansagang konserbatibo at relihiyoso, kataka-takang marami na ang nagsisipaglantaran at sumasali sa animo’y pederasyon ng makabagong sexualidad sa katauhan ng kabaklaan. Pero kahit na parami ng parami ang mga bakla, parang ‘di pa rin nagbabago ang pagkakakilanlan sa kanila: nakakatuwa, artistic, mahilig magpaganda, pa-girl. Sa gitna ng mga simple at minsa’y kakatwang pagkakakilanlan sa mga bakla, talaga bang kilala natin sila?

Ano nga ba ang isang bakla? Mahirap ipaliwanag. Ang salitang bakla mismo ay may masalimuot na kasaysayan. Ayon kay Oriondo, ito daw ay nanggaling sa salitang bakli na nangangahulugang bali o baluktot na nagpapakita ng negatibong kahulugan ng pagkakaroon ng abnormal na pagkilos bagay na hinahalintulad sa mga bakla dahil sila ay kilos babae, sa halip na pangatawanan ang kanilang pagkalalake. Ayon naman kay Neil Garcia, ang salitang bakla daw ay nagmula sa salitang bayog na pangalan ng isang uri ng kawayan. Noong unang panahon daw, sinasabing tinatawag na bayoguin ang mga lalakeng kilos babae dahil sa pagiging malambot nila. Kalaunan ay nagevolve daw ang salitang ito at naging bakla. Kahit na iba-iba ang sinasabing pinagmulan ng salita, makikita na malaki ang koneksyong ng kabaklaan at pagkilos ng parang babae o effeminacy. Ayon pa sa Journal of Social Psychology, ang paggamit daw sa salitang bakla ay ang pagtukoy sa effeminate homosexuals at kailangang may kinalaman ito sa pagkilos ng parang babae para ang salitang ito ay magamit. Dito, makikitang may malaking pagkakaiba sa pagitan ng homosexuality at kabaklaan. Sa isang pagaaral na ginawa ni Hart, sinabi rin niya na ang bakla ay isang local marker lang at hindi synonym ng mga salitang homosexuality, transvestism, at hermaphrodism. Sa kabilang banda, ang homosexuality ay nangangahulugang pagkakaroon ng sexual attraction sa isang taong kapareho ng kasarian o sex, effeminate man o hindi. Kung susumahin, maraming mga pag-aaral ang nagsasabi na ang paggamit daw natin sa salitang bakla ay base sa kung ang taong tinutukoy ay kilos babae at may sexual attraction sa kapwa lalake. Kung tatanggapin ang ganitong ideya, masasabi ko na katanggap-tanggap ang sinabi ni Garcia na “… all bakla are homosexual[s], but not all homosexual[s] are bakla.

Marahil sa Pilipinas ay marami ngang bakla. Pero gaano kaya kadami ang mga lalaking homosexual? Kung iisipin, ‘di kataka-takang makakita ng isang lalaking homosexual na brusko at machong-macho. ‘Di rin kataka-taka kung marami ang magulat kung malaman nilang homosexual siya. ‘Yun nga lang, kung magkataon ay tatawagin siyang bakla at yayayaing magladlad. Magladlad? Homosexual nga ang taong ito, pero hindi nangangahulugang bakla siya. Gayunpaman, unti-unti nang nagagamit ang salitang bakla sa pagtukoy sa mga homosexual. Hindi dahil magkatulad sila ng kahulugan kundi dahil walang direct translation ang salitang homosexuality sa Filipino, ‘di gaya ng salitang bakla na maaaring itranslate sa Ingles bilang effeminate homosexual. Marahil ang problema ng pagkakalito sa pagitan ng kahulugan ng homosexuality at kabaklaan ay dahil lamang sa pagkakaiba ng wika, particular na sa kakulangan ng lexicon o salita na kasintulad ng kahulugan ang mga salita sa ibang wika.

Ang problema pa sa ating mga Pilipino, kapag may nakita tayong bakla o homosexual, iniisip natin kaagad na ang baklang ito ay isa lamang babaeng nakakulong sa katawan ng isang lalake; isang lalaking gustong maging babae. ‘Di natin nauunawaan na sadyang may mga tao lang talaga na nagkakagusto sa mga kapwa nila lalake. Hindi dahil sa tingin nila ay babae sila, kundi dahil sa yun ang nararamdaman nila bilang lalake. Minsan nga ay may nakita kaming gay couple ng kaibigan ko. Bigla niyang tinanong sa akin, “Sino sa tingin mo sa kanila ang lalake?”. Hindi ba’t pareho naman silang lalake? Pero hindi ko rin siya masisisi. Sa lipunang gaya ng Pilipinas, bata pa lang tayo ay alam na natin na ang mga lalake ay para sa mga babae lamang, at vice versa. Marahil ito ang dahilan kung bakit kapag may gay couples tayong nakikita ay inihahalintulad natin sila agad sa isang heterosexual couple; na ang isa sa ay lalake at ang isa ay babae, gayong pareho naman silang lalake.

‘Di ko tuloy alam kung kinailangan kong sagutin ang mga tanong sa isip ko. Bakla ba ang kaharap ko o hindi? Siguro homosexual lang? O pareho? Kung magpapakateknikal ako at ibabase ang sasabihin ko sa tunay na kahulugan ng kabaklaan, siguro ay masasagot ko siya. Pero sa ngayon, kontento na akong mahirapan sa kakapaliwanag sa kanya ng tunay na kahulugan ng sinasabi niya. Kung sabagay, pinakamahirap ipaliwanag ang mga bagay na laging nakakasalamuha ngunit hindi pinapansin at naiintindihan.

Garcia, J. (1996). Philippine Gay Culture: The Last 30 Years. Philippines: University of the Philippines Press.

Garcia, J. (2004). Male Homosexuality in the Philippines: a Short History. IASS Newsletter,35, 13.

Hart, D.V. (1965). Homosexuality and Transvestism in the Philippines: The Cebuan Filipino Bayot and Lakin-on.

Oriondo, S. Isang Paglilinaw sa Salitang “Bakla” at Wikang Berbal ng mga Maricona na Resulta ng Kanilang Pakikipagsapalaran na Naging Bahagi ng Pag-unlad ng Wikang Filipino. Philippines, DC: Author.

Schrest, L. and Flores, L. (1969). Homosexuality in the Philippines and the United States: The Handwriting on the Wall. The Journal of Social Psychology, 9.

Photo from thebaklareview.blogspot.com/2008/02/daybreak.html